Naglabas ng show cause order ang Department of Energy (DOE) laban sa 54 na gasolinahan na umano’y nagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa gitna ng umiiral na tensyon sa Middle East.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ginawa ang hakbang matapos makatanggap ng ulat ang pamahalaan na may ilang gasolinahan na umano’y nagsasamantala sa sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis.

Sinabi ni Castro sa mga mamamahayag na nagko-cover sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Estados Unidos na hindi papayagan ng gobyerno ang anumang uri ng pananamantala.

Binigyang-diin niya na nais ng Pangulo na magtulungan ang lahat sa gitna ng krisis, at sinumang mapatunayang nagsamantala ay maaaring kasuhan at mawalan pa ng pribilehiyong makapagnegosyo.

Advertisement

Samantala, sinabi naman ni Energy Secretary Sharon Garin na naghahanda na ang DOE na magsampa ng kaso laban sa mga nasabing gasolinahan.

Ayon kay Garin, may mga ulat na may ilang establisyimento ang umano’y nagho-hoard ng suplay o hindi muna nagbebenta habang hinihintay ang pagtaas ng presyo ng langis.

Dagdag pa niya, umabot na sa 54 na gasolinahan ang posibleng kasuhan, at maaari pa itong madagdagan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of Energy.

Babala ng DOE, maaaring ipasara ang mga mapapatunayang lumabag dahil itinuturing itong hindi makatarungan at nakapipinsala sa mga mamimili.

Advertisement