Aminado ang Malacañang na nahaharap sa matinding hamon ang Department of Justice at Office of the Ombudsman dahil sa dami ng kasong may kaugnayan sa flood control projects na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure matapos ang pagtatapos ng mandato nito.
Ayon kay Palace Press Officer na si Claire Castro, “overwhelmed” ang DOJ at Ombudsman sa dami ng kasong kailangang suriin at litisin, kasunod ng pormal na pagtatapos ng mandato ng ICI nitong Marso 31, 2026.
Ipinaliwanag ni Castro na natupad na ng komisyon ang tungkulin nito bilang isang fact-finding body, at naipasa na sa mga kaukulang ahensya ang mga ebidensyang kanilang nakalap.
Binigyang-diin din ng opisyal na nasa DOJ at Ombudsman na ang responsibilidad sa pag-uusig sa mga sangkot sa katiwalian, kasabay ng paalala na kinakailangan ang matibay na ebidensya upang matiyak ang matagumpay na pag-usad ng mga kaso.
Iginiit pa ni Castro na walang sasantuhin sa imbestigasyon, ngunit hindi dapat pairalin ang “drama” sa media kundi ang maayos at legal na proseso upang tuluyang mapanagot ang mga tiwaling opisyal.
Samantala, nilinaw din niya na ang pagbuwag sa ICI ay batay sa ulat ni Justice Reyes na nagsasabing natapos na ng komisyon ang kanilang mandato.
Sa kabila ng mga puna na tila walang napaparusahan na “malalaking isda,” tiniyak ng Malacañang na nagpapatuloy ang proseso ng hustisya at nagbabala laban sa mga gumagamit ng media para sa pansariling interes.














