NAGA CITY – Nahaharap ngayon sa kasong Grave Threat si dating Congressman Rolando “Nonoy” Andaya Jr.
Ito’y matapos pagbantaan ng nasabing dating kongresista ang buhay ng tatlong indibidwal sa hindi malamang dahilan.
Kinilala ang mga biktima na sina Gerald Badola, 39-anyos; Raymond Brimon, 35-anyos at Christopher Balbalosa, 30-anyos.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa San Fernando Municipal Police Station, nabatid na armado ng baby armalite si Andaya at ang mga hindi pa nakikilalang kasamahan nito nang pagbantaan ang nasabing mga indibidwal.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na pinagmumura at pinagbantaan pang papatayin ng dating opisyal sina Badola, Brimon at Balbosa.
Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.