Inihayag ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na posibleng makumpleto ng House Committee on Justice ngayong Abril ang pagtukoy ng probable cause sa impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Flores, kapag natapos ang probable cause stage, maaari na itong iakyat sa plenaryo ng House of Representatives of the Philippines sa muling pagbabalik ng sesyon ng Kongreso.
Sa kasalukuyan, tinutukoy pa ng komite kung may sapat na basehan ang mga paratang, matapos mapag-alamang pasado na sa porma, laman, at batayan ang impeachment complaint.
Nakatakda ang mga susunod na pagdinig sa Abril 14, 22, at 29, bagamat sinabi ni Flores na maaaring mapaaga ang pagtatapos ng proseso depende sa bilis ng takbo ng imbestigasyon.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang kasalukuyang yugto ay hindi pa paglilitis kundi isang paunang imbestigasyon upang suriin ang ebidensya at mga testigo.
Kabilang sa mga sinusuring testigo si Ramil Madriaga na iniuugnay sa umano’y isyu sa confidential funds. Sa ngayon, patuloy pang tinitimbang ng komite ang kredibilidad ng kanyang testimonya.
Dagdag pa ni Flores, layunin ng mga pagdinig na masiguro na tanging mga alegasyong may sapat na ebidensya lamang ang maisasama sa posibleng articles of impeachment.














