Nanawagan si Senador Imee Marcos sa mga ahensya ng gobyerno na pansamantalang itigil ang buwanang koleksyon ng mandatory contributions sa SSS, GSIS, Pag-IBIG, at PhilHealth, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin dulot ng krisis sa Middle East.
Ayon kay Marcos, nagiging dagdag-pasanin sa mga Pilipino—lalo na sa mga manggagawa—ang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo. “Ang krisis sa gasolina at krudo ay pabigat lalo sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino, lalo na sa ating mga manggagawa,” aniya.
Iminungkahi ng senadora na magbigay ng kahit isang buwang palugit o higit pa sa pagbabayad ng kontribusyon upang mabawasan ang gastusin ng mga empleyado. Dagdag pa niya, dapat munang huwag kaltasan ang sahod ng mga manggagawa upang makuha nila ang kanilang buong kita sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.
Sinabi rin ni Marcos na napatunayan na ang ganitong hakbang noong panahon ng COVID-19 pandemic at sa mga nakaraang kalamidad, kung saan pansamantalang inalis o ipinagpaliban ang ilang obligasyon upang matulungan ang publiko.
Samantala, nanawagan naman si Senador Bam Aquino na magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pagkain.
Sa panig ng pamahalaan, sinabi ng Malacañang na pinag-aaralan pa ang mungkahing price freeze bilang bahagi ng mga posibleng hakbang upang tugunan ang epekto ng krisis sa Middle East sa ekonomiya ng bansa.
Wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang pamahalaan hinggil sa mga mungkahing ito habang isinusulat ang balitang ito.













