Nagpahayag ng pangamba si Senador Robin Padilla sa kahandaan ng pamahalaan na ilikas ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East kasunod ng serye ng airstrikes ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.

Sa isang pahayag, tinanong ni Padilla kung may malinaw at agarang plano ang gobyerno para sa kaligtasan at posibleng evacuation ng mga Pilipino sa rehiyon, lalo’t ilang linggo umanong naghanda ang US at Israel bago isinagawa ang opensiba. Aniya, mahalagang matiyak na hindi mabibigla ang pamahalaan sakaling lumala pa ang sitwasyon.

Layunin ng naturang pag-atake na pahinain ang umano’y nuclear capabilities ng Iran. Bilang tugon, gumanti ang Tehran sa pamamagitan ng drone at missile strikes laban sa Israel at ilang target ng US sa Bahrain, Kuwait at Qatar, na lalo pang nagpaigting sa pangamba ng international community sa posibleng paglawak ng sigalot.

Samantala, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakaalerto ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang bantayan ang kalagayan ng mga Pilipino sa apektadong mga bansa. Ayon sa Malacañang, wala pang naitatalang Filipino casualty sa kasalukuyan, at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga embahada at konsulado upang maging handa sa anumang contingency.

Advertisement

Nanawagan naman si Padilla ng mas malinaw na komunikasyon at konkretong hakbang mula sa mga ahensya upang matiyak ang agarang pagresponde sakaling kailanganin ang malawakang paglikas ng mga OFW.

Advertisement