Photo © web

Ibinalik na sa Office of the Ombudsman ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong malversation case laban kay Sen. Joel Villanueva kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control project sa Bulacan, ayon sa DOJ.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, naipasa na sa Ombudsman ang mga reklamong ito kasama ang resolusyon ng prosekusyon matapos ang imbestigasyon ng DOJ. “Nasa tanggapan ng Ombudsman na ngayon ang desisyon kung anong hakbang ang gagawin sa resolusyong ipinasa ng DOJ,” paliwanag niya.

Magkakaroon ang Ombudsman ng pagsusuri sa ‘findings’ ng justice prosecutors at mag-iisyu ng sariling ‘review resolution’ upang matukoy kung may sapat na ebidensya para isampa ang kaso laban sa senador.

Dagdag pa ni Martinez, ang pahayag ng Assistant Ombudsman Mico Clavano na nasa “advanced stage” na ang kaso ay maaaring base sa sariling imbestigasyon ng Ombudsman, at hindi nangangahulugang direktang ihahain na sa korte ang kaso.

Advertisement

Nilinaw ng DOJ na ang kanilang papel ay magsagawa lamang ng preliminary investigation at ibalik ang reklamo sa Ombudsman, na siyang may hurisdiksyon sa mga kasong isinampa laban sa mga senador.

Advertisement