Inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Lunes ang nalalapit na paglulunsad ng isang online transparency portal sa opisyal na website ng Kamara na magbibigay sa publiko ng pagkakataong makita at masubaybayan ang mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng portal, maaaring malaman ng mga mamamayan ang pangalan at lokasyon ng bawat proyekto, ang halagang inilaan dito, gayundin ang kasalukuyang estado ng implementasyon, kabilang kung ito ay natapos na o patuloy pang isinasagawa.
Ayon kay Dy, sinimulan ang pagbuo ng sistema noong Setyembre at inaasahang mabubuksan ito sa publiko sa mga susunod na araw. Layunin nitong mapadali ang pag-access ng mga mamamayan sa impormasyon tungkol sa paggastos at paggamit ng pondo ng bayan.
Kaugnay nito, inatasan ng Speaker ang lahat ng oversight committee ng Kamara na magsagawa agad ng pagsusuri sa paggamit ng pondo ng mga departamento at ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng 2026 national budget.
Tututukan sa pagsusuri kung nagamit ang mga inilaan na pondo ayon sa kanilang layunin, kung naisakatuparan ang mga programa at proyekto, at kung nasunod ang mga itinakdang iskedyul ng implementasyon.
Binigyang-diin ni Dy na hindi nagtatapos sa pagpasa ng pambansang badyet ang tungkulin ng Kongreso. Aniya, mahalaga ring matiyak na nagagamit nang wasto at responsable ang pera ng publiko.
Dagdag pa niya, karapatan ng bawat mamamayan na malaman kung saan napupunta ang bawat sentimong nagmumula sa kanilang mga buwis.
Samantala, tiniyak din ng Speaker na magiging bukas sa publiko at livestreamed ang mga pagdinig ng bicameral conference committee hinggil sa 2027 national budget.
Patuloy rin ang operasyon ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc) na nakatutok sa masusing pag-aaral sa mga panukalang pagbabago sa pambansang badyet.
Ipinaliwanag ni Dy na pinag-aaralan ng Kamara kung aling mga programa ng pamahalaan ang nangangailangan ng karagdagang pondo at kung aling mga alokasyon naman ang maaaring hindi magamit sa loob ng itinakdang panahon.
Kabilang sa mga pangunahing sektor na nais bigyan ng mas malaking alokasyon ang edukasyon, partikular ang mga scholarship program at kaligtasan sa mga paaralan; kalusugan, lalo na ang medical assistance; at agrikultura bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.
Itinanggi rin ni Dy ang mga alegasyong binago ng Kamara ang National Expenditure Program (NEP) nang walang sapat na konsultasyon. Nilinaw niyang nagsagawa ang kanilang tanggapan ng malawakang konsultasyon at talakayan kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba’t ibang sektor.
Muli namang pinagtibay ng Speaker ang kahandaan ng Kamara na makipagtulungan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Senado upang makabuo ng pambansang badyet na nakatuon sa pangangailangan ng mga Pilipino at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.














