NAGA CITY- Patay ang isang lalaking itinuturing na high value target matapos manlaban sa isinagawang buy bust operation sa Zone 1, Nursery Rd, Barangay Carolina, Naga City.

Kinilala ang suspek na si Ryan Nolasco, 36-anyos, residente ng Barangay Sto Tomas, Magarao, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMS Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na naikasa ang operasyon gamit ang P500 bilang boodle money.

Aniya, nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng hindi bababa sa 100 gramo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P680,000.

Subalit, nang malamang mga pulis ang katransakiyon nito, bigla itong bumunot ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang tumatakbo palayo.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala baril ang suspek na kaagad naman na dinala sa ospital ngunit hindi na umabot ng buhay.

Ayon kay Bongon, itinuturing na high value target si Nolasco dahil sa pagkakasangkot nito sa pagbebenta ng ilegal na droga sa lalawigan ng Camarines Sur gayundin sa ibang bahagi ng Albay.

Samantala, nabatid na kasalukuyang nasa probationary status si Nolasco matapos maaresto noong 2017 dahil sa kaparehong ilegal na gawain.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.