NAGA CITY – Patay ang driver ng motorsiklo habang sugatan naman ang backrider nio matapos mabundol ng isang kotse sa Brgy. Pacol sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Orlando Perfiñan, 46-anyos at ang sugatan na si Jherlo Perfiñan, kapwa residente ng Brgy. Carolina sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, napag-alaman na habang minamaneho ni Orlando ang kaniyang motorsiklo sakay ang anak na si Jherlo papunta sa kasentrohan ng lungsod nang aksidenteng mabundol ng kotse na minamaneho naman ni Micah Regina Gonzales, 26-anyos residente ng Brgy. Pacol sa nasabi pa ring lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, napag-alaman na pansamantalang tumigil sa pagmamaneho ng kaniyang motorsiklo ang biktima sa tabi ng kalsada dahil may isang residente na bumibili ng pagkain sa pinangyarihan ng aksidente.

Kaugnay nito, dito na nabundol ng kotse ang motorsiklo na naging dahilan para masagasaan pa ang mag-ama.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Ngunit sa kasamaang palad, tuluyang binawian ng buhay si Orlando sa ospital.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Gonzales para sa karampatng diposisyon.