Itinanggi ng Pentagon ang ulat na sinermunan umano nang matindi ang kinatawan ng Vatican sa United States kaugnay ng mga pahayag ni Pope Leo XIV laban sa paggamit ng puwersang militar.

Ayon sa ulat, nagkaroon umano ng “bitter lecture” noong Enero kung saan pinagsabihan ni Elbridge Colby si Cardinal Christophe Pierre, ang noo’y envoy ng Vatican sa US.

Iniulat na sinabi umano ni Colby na may kakayahan ang Amerika na gawin ang nais nito gamit ang kapangyarihang militar, at dapat umanong pumanig dito ang Simbahan.

Gayunman, mariing itinanggi ng Pentagon ang naturang ulat, at sinabing “highly exaggerated and distorted” ang paglalarawan sa naturang pagpupulong. Ayon sa ahensya, naging maayos at magalang ang talakayan sa pagitan ng dalawang panig.

Advertisement

Tinalakay umano sa nasabing pulong ang iba’t ibang isyu kabilang ang moralidad sa foreign policy, US National Security Strategy, at mga sitwasyon sa Europa, Africa, at Latin America.

Pinabulaanan din ni Brian Burch ang ulat matapos niyang makausap si Cardinal Pierre. Aniya, hindi umano sumasalamin sa katotohanan ang lumabas na balita.

Ayon kay Burch, inilarawan ng kardinal ang pagpupulong bilang “frank, but very cordial” at isang normal na pag-uusap.

Nauna rito, nagpahayag si Pope Leo XIV ng pagtutol sa tinawag niyang “diplomacy based on force” at nanawagan sa mga may kapangyarihan na piliin ang kapayapaan sa halip na digmaan, lalo na sa kanyang Easter message.

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng pananaw ng simbahan at ilang polisiya ng pamahalaan ng US hinggil sa paggamit ng puwersang militar sa pandaigdigang usapin.

Advertisement