Photo © web

Iginiit ng Philippine Navy na magpapatuloy ang kanilang mga maritime patrol sa West Philippine Sea kahit patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, dahil anila’y hindi matutumbasan ng anumang halaga ang soberanya ng bansa.

Ayon kay Navy spokesperson na si Roy Vincent Trinidad sa panayam sa ANC (ABS-CBN News Channel), posibleng makaapekto ang pagmahal ng gasolina sa ilang administratibong gawain ng ahensya, kaya nagsasagawa sila ng pagtitipid sa enerhiya sa mga simpleng operasyon.

Gayunman, binigyang-diin ni Trinidad na hindi maaapektuhan ang mahahalagang operasyon tulad ng maritime patrols. “Sovereignty has no price,” aniya.

Dagdag pa niya, patuloy na babantayan ng Pilipinas ang West Philippine Sea, lalo na sa hilagang bahagi kung saan matatagpuan ang mayamang pangisdaang lugar na Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Advertisement

Matatandaang nananatili sa kontrol ng China ang naturang shoal matapos ang tensyon noong Scarborough Shoal standoff, sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-angkin ng Beijing sa South China Sea.

Samantala, sinabi rin ni Trinidad na wala pang indikasyon na mababawasan ang joint military exercises ng Pilipinas sa ibang bansa. Aniya, nakapagpadala na ang bansa ng barko sa Australia upang lumahok sa Exercise Kakadu 2026.

Dagdag pa niya, marami pang nakatakdang military exercises ngayong taon at inaasahang matutuloy ang mga ito maliban na lamang kung magkaroon ng malaking pagbabago sa mga plano.

Advertisement