NAGA CITY – Tone-toneladang basura ang iniwan ng mga taga-suporta ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa katatapos pa lamang na meeting de avance nito kahapon, Mayo 6, 2022 sa Naga City.

Mababatid na umabot sa 306-K katao ang lumahok sa naturang grand rally ng Leni-Kiko tandem sa naturang lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Engr. Joel Martin, head ng Solid Waste Management Office (SWMO)-Naga, sinabi nito na bago pa man magsimula ang malaking aktibidad, naroon na sa area ang kanilang mga tauhan upang maghanda at maglinis sa nasabing event.

Agad naman umano silang nagsimula sa paglilinis matapos ang naging speech ni Bise Presidente dakong alas-9 ng gabi.

Aniya, nasa 50 personnel ng SWMO ang idineploy sa lugar kung saan mayroon naman silang nasa 200 volunteers na tumulong sa paglilinis sa nasabing lugar.

Maliban pa dito, dinagdagan rin nila ang mga inilagay na mga trash bin sa pinagdausan ng aktibidad.

Ayon pa kay Martin, nasa 12 dump truck ng mga plastic cups at mga tetra packs o katumbas ng nasa mahigit 30 toneladang basura ang kanilang nakolekta sa lugar.

Inabot naman umano sila ng alas-4 ng madaling araw bago tuluyang nalinis ang venue ng nasabing event.

Sa ngayon, nagpaabot na lamang ng pasasalamat ang opisyal sa lahat ng naging katuwang ng kanilang opisina upang malinis ang lugar na pinagdausan ng nasabing miting de avance.