NAGA CITY – Dahil sa naitalang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) na kinilalang isang police officer na naka-destino sa lungsod ng Legazpi, nakatakdang isailalim sa quarantine ang nasa 95 PNP Augmentation Personnel mula sa Police Regional Office (PRO)-5.

Sa pahayag ni Naga City Mayor Nelson Legacion, mananatili aniya ang mga ito sa city-controlled PUM Facility sa Pacol, Naga City hanggang Mayo 1.

Kung maaalala, nabatid na isang 36-anyos na pulis at residente ng naturang lungsod ang bagong biktima ng naturang sakit kung saan kinilala itong si Bicol #23 patient.

Nagpapasalamat rin aniya ang alkalde sa PRO-5 sa pagbibigay ng augmentation force na kakailanganin sa laban kontra sa COVID-19 gayundin sa pang-unawa sa precautionary measures na ipinapatupad sa lungsod.

Samantala, tiniyak naman ng alkalde na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi na kumalat pa ang naturang virus sa lungsod, ngunit hangad lamang aniya nito ang kooperasyon ng lahat.