NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang babae sa Macalelon, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Melinda Martinez, 52-anyos, residente ng Brgy. Mambog, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan na lamang ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa loob ng bahay nito habang may dugo sa kaniyang ulo.

Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, pinaniniwalaang pinatay si Martines batay sa magulong bahay nito na naabutan ng mga kapulisan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.