Nag-utos ang Department of Transportation ng mas mahigpit na monitoring sa mga tauhan ng Office for Transportation Security kasunod ng ulat ng pagkawala ng pera ng isang dayuhang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Ayon kay Transport Secretary Giovanni Lopez, hindi kukunsintihin ng pamahalaan ang anumang uri ng misconduct, lalo na kung mapatutunayang sangkot ang ilang security screening officers sa pagnanakaw ng gamit o pera ng mga pasahero.

Kaugnay nito, agad na pinatanggal sa puwesto ang dalawang screening officers at isang supervisor habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y pagkawala ng ₱7,000 mula sa isang Australian passenger. Nahaharap na rin ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo.

Pinalakas ng DOTr ang pagbabantay sa mga airport personnel, lalo na’t inaasahang dadami ang mga biyahero kasunod ng pag-uwi ng mga pasahero mula sa kanilang mga biyahe noong Semana Santa.

Advertisement

Hinimok naman ang publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang kilos o hindi tamang asal ng mga tauhan sa paliparan upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas.

Pinayuhan din ang mga pasahero na iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit upang hindi na sumailalim sa masusing inspeksyon at maiwasan ang abala sa kanilang paglalakbay.

Advertisement