Pinagtibay ng gobyerno at mga opisyal ng oil companies ang kanilang mga plano upang matiyak ang sapat na suplay ng langis sa bansa kasabay ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, ginanap ang pulong sa Malacañang noong Huwebes, Marso 12, na nakatuon sa suplay at presyo ng langis, bilang tugon sa direktiba ng Pangulo na protektahan ang mamamayan mula sa pagtaas ng presyo. “Tinutugunan namin ang hamon sa maraming paraan, mula sa energy conservation ng gobyerno hanggang sa pagbibigay ng lifeline subsidies sa transport groups,” dagdag ni Recto.
Isa sa pinakamahalagang hakbang, ayon sa kanya, ay ang sertipikasyon bilang urgent ng Pangulo ng panukala na nagbibigay kapangyarihan sa kanya na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise taxes sa petroleum products sa panahon ng emergency sa ekonomiya. “Nais ng Pangulo na makarating agad ang panukala sa kanyang mesa para mapirmahan,” ani Recto.
Nilinaw din niya na ang pangunahing isyu na dapat tugunan sa panahon ng krisis ay ang mga supply chain disruptions. Gayunpaman, tiniyak ng mga kumpanya na manageable ang anumang operational challenges sa pagdadala ng produkto sa bansa at patuloy na sinusuri ang alternatibong pinagkukunan ng langis sakaling lumala ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Binigyang diin ni Energy Secretary Sharon Garin na dapat maayos na i-adjust ng mga gasolinahan ang presyo ayon sa totoong kondisyon ng merkado at hindi papayagan ang labis o maagang pagtaas ng presyo.
Ang kasalukuyang tensyon sa Gitnang Silangan ay nagsimula noong Pebrero 27 matapos ang Operation Epic Fury ng Estados Unidos at Israel laban sa pamahalaan ng Iran, na nagdulot ng airstrikes at retaliatory attacks. Dahil dito, tumaas ang presyo ng langis ng hindi bababa sa P10 kada litro ngayong linggo, at inaasahan ng Department of Energy ang karagdagang P17 hanggang P24 na pagtaas mula Marso 10 hanggang 16.














