NAGA CITY- Malaki umano ang epekto ng pansamantalang pagsuspende ng operasyon ng itinuturing na pinakamalaking car factory sa buong mundo.
Sa report ni Bombo International Correspondent Sylvia Espinosa, isa sa mga empleyado ng Hyundai sa South Korea, sinabi nitong simula kahapon hanggang sa Pebrero 11, wala muna silang trabaho dahil sa naturang kautusan ng kompanya.
Ayon kay Espinosa, dahil sa novel coronavirus outbreak sa China, pahirapan aniya ang pagpapadala ng mga spare parts na ginagamit sa pagawa ng sasakyan.
Aniya bagama’t may ibang bansa pa naman na pwedeng maging supplier ng mga spare parts, ngunit ang China aniya ang pangunahing supplier dahil mas mababa ang halaga rito kumpara sa ibang bansa.
Kaugnay nito, aminado si Espinosa na malaki ang epekto nito sa kanilang mga empelayo habang malaki rin aniya ang pwedeng mawala sa mismong kumpanya.
Sa kabila niyo, bagama’t pansamantalang mawawalan sila ng trabaho, mabuti na rin aniya ito dahil na rin sa mas lumalala pang kaso ng novel coronavirus lalo na South Korea.