NAGA CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang Person with disability matapos na maaktuhan na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa loob mismo ng CR na ginagamit ng ilang PDEA agent sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang suspek na isang 43-anyos na lalaki at residente ng Zone 1, Calauag, sa nasabing lungsod.

Natawa at napakamot na lamang sa kaniyang ulo ang suspek dahil hindi umano nito napansin at alam na CR pala ng PDEA ang kaniyang napasukan.

Nakumpiska naman sa suspek ang isang pirasong plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500.

Maliban pa dito, nakuha rin sa lugar ang ilang aluminium foil na may tira pa ng hinihinalang ipinagbabawal na gamot.

Napag-alaman rin na may kinaharap pang kasong theft ang suspek sa Police Station 3 ng lungsod.

Sa ngayon, mahaharap rin ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o anti dangerous drugs act of 2002.